Superstar
May natanggap akong IM galing sa isang close friend. Hiwalay na sila ng partner niya. Halos 15 years din sila. Sobra akong affected pag may mga kakilala akong naghihiwalay. Except yata nung maghiwalay si Ate Guy at Richard Merk. At saka si Ate Guy at John Rendez. Come to think of it, hindi pala ako affected pag nakikipaghiwalay si Nora Aunor. Mommy ko lang. Die-hard Noranian yun. Nung bata ako, kung pag usapan ng mga tita ko si Nora Aunor sa bahay, iisipin mo kamag-anak namin siya. In fact, mas madalas pa kaming manood ng Superstar (yung show ni Ate Guy sa channel 9) tuwing linggo kesa magsimba. Kakaiba ang variety show noon. Walang nangyayari. Hindi kagaya ngayon, pag nanood ka ng SOP o ASAP o SIS, akala mo laging may piyesta, laging may confetting bumabagsak, laging may mga baklang impersonator, at ang favorite spiel ng mga host: "Ang saya saya!" kahit mukhang bored na bored sila.
Dati, nauso sa showbiz ang tangga. Yung bathing suit na kita ang singit at kuyukot ng babae. Si Alma Moreno, Maricel Soriano, Vilma Santos, lahat sila nag-tangga. One Sunday night habang naglalaro ako ng game-and-watch sa kuwarto ko, narinig kong nagkakagulo ang mga tita ko sa sala. So agad akong lumabas para makita kung ano ang nangyayari. Nanonood pala sila ng Superstar. And lo and behold, naka-tangga si Ate Guy. At hindi lang basta tangga, naka-hair extension din siya na 5 feet ata ang haba. Eh hindi naman matangkad si Ate Guy di ba? So yung hair extension umabot na sa sakong niya. And to complete the look, naka-blue contact lense din ang lola, dahil uso din yun noon. Tuwang-tuwa ang mommy ko at ang mga kapatid niya. Ang ganda-ganda daw ni Ate Guy. Ako naman, hindi makaimik. Kakaibang creature ang napapanood ko ng gabing yun. Hind siya si Nora Aunor. Para siyang yung babaeng smurf. Later, nung nauso ang troll dolls, naalala ko uli si Ate Guy.
Ibang klase din noon ang showbiz. Close to 300 pinoy films ang pinapalabas every year. So almost every other week, may pelikula rin si Ate Guy. At ang karibal niya sa takilya na si Ate Vi. Isang beses, biglang nagsabay ang playdate ng "Condemned" ni Ate Guy at "Alyas Baby Tsina" ni Ate Vi. Ang mommy at mga tita ko, nangampaya sa buong Salvatierra Compound ng Sta Mesa para panoorin ang pelikula ni Ate Guy. 7 years old lang ako noon, at for adults only ang "Condemned" pero ang mommy ko, nagdecide na kailangang sumama akong manood para makadagdag sa ticket sales ni Ate Guy. Hindi mahigpit ang mga sinehan noon, tatangungin ka lang ng takilyera, ilang taon ka na? Sasagot ka lang ng 18, at papapasukin ka na. But to play safe, pinagsuot ako ng long sleeves at balat na sapatos ng mommy ko para magmukha raw akong mature. Well, it worked. Walong beses ko yatang napanood ang "Condemned", and each time naka-long sleeves at balat na sapatos ako.
Anyway, balikan ko lang yung tungkol sa friend kong nakipaghiwalay. Ang lungkot. Buti na lang andiyan ang memories ni Ate Guy to comfort me.