Friday, October 20, 2006



TUNGKOL SA PAGSUSULAT NG HIMALA
Ni Ricky Lee

Sinulat ko ang first draft ng Himala noong 1976 para kay Mike de Leon. Dumalo kami sa mga ispiritista. nag-interbyu ako ng mga taong pinagpapakitaan o sinasaniban ng mga kababalaghan. Pero ang pinaka-pinagmulan ng Himala ay ang nangyari sa Cabra Island noong 1967 kay Belinda, isang dalagitang pinagpakitaan umano ng Birhen. Naging komersyal ang buhay sa isla.

Paiba-iba pa noon ang title -Sta. Maria ni Elsa, Aparisyon, Mga Himala. Hindi natuloy ang project kay Mike. Dalawang taong iniaalok namin ito ni Bibsy Carballo (line producer) sa kung kani-kaninong producer. Walang natuloy. Si Nora Aunor na noon pa man ang balak para sa Elsa. At si Ishmael Bernal ang magdidirek.

Nang ilunsad ang ECP film story contest ay isinali ko ang Himala. Suwerte namang napili ito. Isang buwan ang ibinigay sa akin para tapusin ang bagong draft ng screenplay. May panahon noon na hiniram ko ang beach resort ni Armida Sigulon-Reyna sa Batangas at doon ako nagsulat.

Himala ang screenplay na pinakakonti ang naging konsesyon ko. Sa akin nagsimula ang materyal nito at hindi sa producer. Kung sa isang ordinaryong producer ito. naibigay, maaaring pinilit kaming bigyan ng ka-love team si Nora, at gawing masaya ang ending. Baka utusan pa kaming gawing totoo ang himala.

Kami ang pumili kay Nora Aunor. Pumayag ang ECP na bukod kay Nora, lahat ay baguhan sa pelikula para maging mas totoong tao ang labas, at mas matipid.

Ang naging pinakakonsesyon lang siguro ay ang pangyayaring ang sinulat ko ay isang Cupang na parang impiyerno sa init. Tigang ang lupa at walang tumutubong halaman, kaya handa silang maniwala sa unang patak ng anumang himala. Ang una kong eksena noon ay bus na papasok sa Cupang, sakay si Oriy, ang filmmaker, na para bang bumababa sila sa impiyerno.

Di pumuwede ang ganito dahil gusto ng ECP na ihabol sa Metro Manila Film Festival ang pelikula. Binawasan ko ang init sa script.

Maraming iba pang naging pagbabago mula una nanggang huling rebisyon. Siguro'y para lalong mapaganda at luminaw, o kaya'y dahil di puwede sa produksyon. Anu't anuman, walang mga pagbabagong sumaliwa sa tama, at lahat ito'y ginawa ng Direktor matapos akong konsultahin.

May character na tinanggal: si Espe. Bakia pero tough, namumuno sa pangkat ng mga batang magnanakaw sa mga turista. Isa sa mga batang ito noong una si Nestoy, na noo'y kapatid pa ni Elsa.

Meron ding isang dalaga sa Cupang na gustong mag-artista, at nagpuntang Maynila. Dito tumira si Elsa noong mawala na ang himala, at pumunta siya sa Maynila. Dinalaw niya lahat ng mga lugar na may sinasaniban ng Birhen, kinausap niya ang ibang mga kagaya niya. Lahat nang ito ay tinanggal ko.

Dumalaw ako ilang ulit sa location sa llokos, at marami kaming naging discussions ni Bernal. Karamihan sa mga ito ay nakatulong sa mga rebisyon ko. Nagkaroon ng maraming bersyon ang ending, at ilang araw bago mag-shooting saka ko naibigay ang final draft ng eksena.

Sa isang bersyon ng ending ay hindi namatay si Elsa. Nawala lang ang pagsamba ng mga tao sa kanya at naging ordinaryo siyang tao. Makalipas ang maraming maraming taon ay binalikan siya ni Orly at nakitang matanda na siya, nag-iigib ng tubig sa balon, nakalimutan na ng iahat. Sa isa namang bersyon ay nagkaroon ng espekulasyon na muling nabuhay si Elsa. At sa Simula at wakas ng pelikula ay naghinintay ang mga deboto sa kanyang pagbabaiik.

Kung susulatin ko uli ang Himala ngayon siguro'y lalagyan ko na ito ng konting ngiti, at konting paniniwala, kung hindi man sa mga bagay na hindi natin nakikita, ay sa ibang tao. Pero nagpapasalamat pa rin akong nagawa ito sa labas ng mga establisadong production company. Na nagawa ito, para na rin sa akin, ay isang munting himala.

0 comments: