The essay below is anthologized in the book Si Nora Aunor Sa Mga Noranian (Mga Paggunita At Pagtatapat) Pages 70-73
Impluwensiya Sa Aking Kabataan
Ni Jojo Devera
Lagi akong tinutukso ng mga kaklase ko sa elementary dahil pumapasok
akong bitbit ang bag na My Blue Hawaii at si Nora ang nasa cover ng
aking notebooks. Mga sampung taong gulang, madalas akong magpantasya
na isa akong direktor at gumagawa ng pelikulang si Nora ang bida.
Ako rin ang gumaganap na Nora sa mga pelikula ko. Isang araw naisip
kong gawin ang eksena kung saan kinakanta ni Nora ang "Song of My
Life." Suot ang wig ng malaking walking doll ng aking bunsong
kapatid na babae, nag-lip synch ako sa harap ng salamin. Nakita ako
ng nanay ko pero sa halip na magalit, naaliw pa siya. Palibhasa
Noranian din, kaya pinabayaan lang ako.
Taong 1978, kainitan ng labanan ng dalawang pelikula ng
pinakamalaking artistang babae ng pelikulang Pilipino: Atsay ni Nora
Aunor at Rubia Servios ni Vilma Santos. Natatandaan kong ipinalabas
ang dalawang pelikula sa Coronet Theater sa Cubao: Rubia sa Theater
1 at Atsay sa Theater 2. Isa ako sa nakipagsiksikang mapanood ang
Atsay. Walang tigil sa pasaringan ang mga tagahanga ng magkabilang
kampo habang nakatutok ang atensiyon ko sa life-size cutout poster
ni Nora sa Atsay na nakalagay sa lobby ng sinehan ('yung may bitbit
siyang tampipi). Pagkatapos naming manood, namasyal muna kaming
magkaibigan sa COD Department Store bago nagdesisyong panoorin na
rin ang Jack en Jill of the Third Kind na lahok din ni Nora sa
filmfest. Halos hatinggabi na nang matapos kami sa panonood.
Napadaan kaming muli sa Coronet Theater at nakitang nagsasara ang
guwardiya ng sinehan. Napansin naming naiwan sa labas ang life-size
poster ni Nora. Nagkasundo kaming nakawin ang poster. Nakita kami ng
nagtitinda ng balut pero di kami pinansin. Itinago ko sa aking
kuwarto ang naturang poster. Nang gabi ng parangal, nang ideklarang
Best Performer si Nora, nakaharap ako sa poster niya habang
sinasabing, "Mama... mali ang hula nila!"
Di ko malilimutan noong 1979 nang ipalabas ang Ina Ka ng Anak Mo.
Nagpumilit akong pumasok ng sinehan para panoorin ang unang
pagsasama nina Lolita Rodriguez at Nora Aunor sa direksiyon ni Lino
Brocka, pero hindi ako pinayagan dahil for adults only. Madalas kong
napapanood sa TV ang eksenang "Hayop... hayop!" Lagi itong
pinapagaya sa mga contestants sa Take One Acting Contest ng Eat
Bulaga. Isa kina Vic Sotto, Joey de Leon, at Richie D'Horsie ang
gumaganap na Lolita; ang mga contestants naman ang gumagaya kay
Nora. Ito lamang ang tanging paraan para makita ko ang talino ng
Superstar sa pagganap. Kahit na madalas nabababoy ito ng mga
contestants, dito ko lang ito napapanood. Hanggang sa ipalabas ang
pelikula sa isang second-run theater sa Pasig. Doon ko ito unang
napanood nang buo, ka-double pa ang Modelong Tanso nina Charito
Solis at Vilma Santos. Hindi na naalis sa aking isip ang
eksenang 'yon. Nasabi ko sa sarili: "Putang ina! Ang galing talaga
ni Nora."
Sa pagpasok sa high school, lalong umigting ang aking paghanga kay
Nora. Madalas akong hindi pumapasok sa eskuwela para manood ng
kanyang mga pelikula. Marami kasing sinehan na malapit sa
eskuwelahan ko sa Pasig. Doon ko pinanood ang Nakaw na Pag-ibig at
Kastilyong Buhangin. Ilang beses kong pinanood sa Cubao ang Totoo ba
ang Tsismis? Isang araw, tumanggap ng sulat ang aking mga magulang
mula sa aming guidance counselor: isang linggo na akong hindi
pumapasok sa eskuwela. Pinagsabihan ako ng nanay ko. Pero ang tatay
ko ang talagang nagpupuyos sa galit. Ginulpi niya ako dahil sa
pagkagusto ko kay Nora at dahil sa aking kabaklaan. Mahirap talaga
siguro para sa isang ama na tanggapin na ganoon ang panganay na anak
na lalaki. Sa sobrang sama ng loob lumayas ako. Walang kaalam-alam
ang aking mga magulang; buong akala nila kaya ako may dala-dalang
maliit na maleta ay dahil nakalagay doon ang costume na gagamitin ko
sa stage play namin sa eskuwelahan. Noong araw na iyon, inihatid ako
ng nanay ko sa eskuwela at alam kong nakita niyang pumasok ako sa
gate ng school, pero ang hindi niya alam umakyat ako sa pader para
makalabas sa kabilang bahagi ng gusali. Tulad ng nakagawian ko nang
gawin, muli akong nagpunta sa Cubao, baon ang tatlumpung piso, at
nanood ng Ibalik ang Swerti na palabas noon sa Diamond Theater.
Habang lunod sa kaligayahan dahil pinapanood ang idolo, may biglang
sumigaw ng "Nandiyan si Nora! Nandiyan si Nora!" Nagmistulang may
sunog sa sinehan. Dali-daling naglabasan ang mga tao para kahit
saglit ay masilayan si Nora. Sa lobby, natanaw kong kumakaway si
Nora. Sigawan kami ng "I Love You, Nora!" At parang alon, tinangay
siya ng mga taong nagdagsaan. Kinabukasan, lumipad si Nora patungong
Cannes, France, para dumalo sa 1981 Cannes Film Festival kung saan
tampok ang Bona sa Director's Fortnight.
Pagkatapos ng kaguluhan, bitbit ang maleta, pabalik na ako sa
sinehan para ituloy ang panonood nang may narinig akong
nagtatanong: "Saan ka pupunta?" Paglingon ko, may isang taong
mistulang anghel sa paningin ko. Siya si Orly, tagahanga rin ni
Nora. Ikinuwento ko sa kanya ang paglalayas ko. Inalok niya akong
tumuloy sa kanilang bahay sa Barrio Mandaragat, Tondo. Alam ko ang
lugar na 'yon dahil doon kinunan ang Bona. Tulad ng ipinakita sa
pelikula, pinalilibutan ng maitim na estero ang kanilang lugar.
Makikitid ang daan at iilan ang poste ng ilaw. Malubak ang mga
kalye, maputik. Pagpasok sa barong-barong ni Orly, una kong napansin
ang posters at magazine covers ni Nora na nakapaskil sa mga dingding
at kisame. Kumpleto rin siya ng Superstar komiks. Iisa lang ang
bombilya sa bahay at masakit sa mata pero binasa ko pa rin ang mga
komiks kahit nabasa ko na ang iba. Binigyan ako ni Orly ng banig,
kumot, at unan na hindi bulak ang laman kundi buhangin. Hindi ako
nakatulog nang maayos dahil napakaraming lamok sa kanila.
Pinagpiyestahan ako ng mga ito. Kinaumagahan, dinala niya ako sa
isang karinderya at doon kami kumain. Umaalingasaw ang estero sa
likod ng kainan. Pinilit kong kumain kahit halos masuka ako sa amoy.
Pagkatapos, isinama niya ako sa kanyang trabaho; nagtitinda siya ng
mga diyaryo at magasin sa sidewalk sa EDSA. Nakabilad sa init,
tumulong ako sa pag-ayos ng mga paninda. Inilagay namin sa harap ang
mga magazines na si Nora ang nasa cover para agad mabili. Doon ko
nabasa 'yung article ni Roger Ebert tungkol sa Bona na lumabas sa
Jingle Extra Hot. Halos isang linggo rin akong tumigil kina Orly
bago nagdesisyong umuwi na sa mga magulang. Nauunawaan naman ni
Orly. Hinatid niya ako pabalik sa Cubao. Naglalakad-lakad ako sa
Araneta Center nang businahan ng kotse. Naroon ang aking mga
magulang na hindi pala humihinto sa kahahanap sa akin. Niyakap nila
ako nang mahigpit at sinabihang huwag nang uulitin ang ginawa ko
dahil mamamatay sila sa nerbiyos. Humingi ng tawad ang aking ama.
Wala na sa isip ko ang nangyari. Ang mahalaga magkakasama na kaming muli.
3 comments:
Hi, Brod Jo:
Thanks for this wonderful piece. Curious lang ako: What did Roger Ebert--one of my favorite critics aside from Pauline Kael, Noel Vera, and Richard Corliss-- say about Bona? Maganda ba ang reviews ni Ebert? 'Yong review ni Noel nakakakilabot.
hello Myke!
Roger Ebert's review of the movie was positive although he pointed out some of the film's weaknesses. what really surprised me was how he praised Ate Guy's performance in the film. he wrote that Bona's power stems from Aunor's acting. hanggang ngayon, hinahanap ko pa rin ang said issue ng Jingle Extra Hot.
Hi there Jojo...
So glad to be here and am enjoying your blog tremendously.
You do write from the heart. I love your honest-to-goodness account of your life long devotion to our Superstar. It must have been quite a ride for you and an experience you will never forget.
You've got great stuff in here.
Post a Comment